Sanaysay

        Para sa indibiduwal na gawaing ito, kami ay inatasang gumawa ng balangkas at sanaysay tungkol sa tanong na, kabataan pa rin ba ang pag-asa ng bayan?


“Kabataan pa rin ang pag-asa ng bayan!”

        Ayon kay Tony Katigbak (2017), isang manunulat sa philstar, sinabi niyang, “naniniwala ako na ang edukasyon ay susi ng tagumpay”. Totoo ngang ang kalidad ng mga kabataan ang nagtatakda ng kung anong kinabukasan ang mayroon ang isang bansa dahil ang sumisimbolo sa sususnod na henerasyon ay ang mga kabataan. Kaya naman, kung nais nating matiyak ang magandang kinabukasan ng ating bansa, kailangan muna nating pagtuunan ng pansin ang mga kabataan dahil sa kahit anong lipunan at bansa, tayo ang potential energy nito. Tayo ang mga ipinagmamalaki ng bayan, dahil ang mga kabataan ang nagdadala ng tagumpay sa kanilang bansa.

        Ngunit alam nating lahat na ang mga kabataan sa kasalukuyang panahon ay naliligaw na ng landas ngunit tayo pa ring mga kabataan ang kailangan ng ating Inang bayan. Isang paksa na hindi mababago kahit ano man ang mangyari. Dahil naniniwala pa rin sa atin ang mga nakatatanda, na tayong mga kabataan pa rin ang pag-asa ng bayan dahil tayo ang sumusulat ng ating kuwento sa bawat pahina ng ating buhay. Dahil ang likas na yaman ng isang bansa ay ang mga kabataan nito. Tayo ay ipinanganak nang may silbi, bilang mga asset para sa hinaharap ng ating Inang bayan. Mga supling na kailangang alagaan, palakihin ng mabuti, mahalin at igalang upang maging mga susunod na builder ng bansang Pilipinas. Mga susunod na lider at mga mabubuting mamamayan na tunay na nagmamahal sa bansang Pilipinas. Dahil karamihan sa amin ay may ugaling palaban na kapag may napansing hindi maganda sa ating lipunan, kami’y gumagawa ng paraan upang maisayos ito. Isang mahalagang pag-uugali sa panahon natin ngayon na kahit nasa murang edad pa ay kinakikitaan nang maghangad ng pagbabago para sa ikakabuti ng nakararami. Kahit iba na ang kabataan sa panahon ngayon, tumatanggap pa rin kami ng aming mga kabiguan at panghihina ng loob dahil sa mga pagsubok sa buhay ngunit nakatayo pa rin ng tuwid at patuloy na lumalaban sa hamon ng buhay. Kaming mga kabataan ay kayang harapin ang mga hamon ng mundo nang may ngiti sa mga labing kahit nanginginig sa hirap na dala ng buhay. Kami ang kabataan na may kakayahang magpatuloy sa hirap at ginhawa, kung kaya’t kailangan ng bansa ang kakayahan at katatagan ng bawat kabataan.

        Para sa lahat ng kabataan, huwag panghinaan ng loob, dahil tayo ay kahangahanga sa ating sariling mga depinisyon. Kung kaya’t ating alagaan ang ating mga sarili upang maging malusog at malakas ang ating mga pangangatawan dahil sa ating mga kamay nakatakda ang pag-asa ng ating bansa. Sa atin nakasalalay ang pagtatagumpay ng mga susunod na henerasyon. Dahil balang araw habang ating ipinagpapatuloy ang buhay na ipinagkaloob sa atin, ang mga susunod naman na kabataan ang tatayo para sa bansang ating inalagaan at pinagyabong. Sila naman ang magiging mga susunod na pinuno at instrumentong tutulong sa mga susunod namang kabataan ng ating bansa upang lumakad sa tamang landas. Kung kaya’t tayong mga kabataan ngayon ay dapat na higit na mag-aral at magtiwala sa sarili dahil edukasyon ang ating sandata sa darating na mga hamon ng buhay. Dahil kailangan nating gumawa ng mga hakbang upang maging matagumpay ang ating bansa. Tulad ng ginawang pagtulong ng isang grupo ng kabataan sa mga nasalanta ng bagyong Odette. Ang relief operation ay tinawag nilang project BULIG na nangangahulugang “Be United and Lead with Initiatives of Generosity”. Gusto nilang tumulong kasi gusto nilang maging pag-asa para sa mga nasalanta ng bagyo dahil mahirap makita ang pag-asang bumangon sa panahong ‘yon. Hangad nilang makatulong sa kanilang mga kababayan para bumangon (Caande, 2021).

        Sa pagwawakas ng sanaysay, kabataan pa rin ang pag-asa ng bayan dahil sa ating kalidad at sa pagkatao nakasalalay ang kinabukasan ng ating bansa dahil tayo ang mga susunod na tutulong sa mga susunod na henerasyon ng mga kabataan ng Pilipinas. Kahit man tayo’y iba na sa mga nakalipas na henerasyon ng kabataan, tumatanggap pa rin tayo ng ating mga kabiguan at panghihina ng loob dahil sa mga pagsubok sa buhay, ngunit handang tumulong sa mga nangangailan ng tulong. Ang kabataan talaga ang pag-asa ng bayan, kung kaya’t huwag kang sumunod lamang sa uso, magpauso ka rin!

Sanggunian:

Caande, J. (2021). Magkakaibagan na Yolanda survivors tumulong sa mga nasalanta ng
               Bagyong Odette. Nakuha sa: https://news.abs-                                                                          cbn.com/news/12/28/21/ilangyolandasurvivors-tumulong-sa-mga-nasalanta-ni-odette

Katigbak, T. (2017). Abot kamay na ang pangarap. Nakuha sa:
          https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/opinyon/2017/08/12/1728421/abotkamay-        na-ang-pangarap

Mga Komento

Kilalang Mga Post